Wikang Filipino

Ang Wikang Filipino ay katutubong wika na ginagamit sa buong bansa bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di-katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba’t ibang sitwasyon , sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling pagpapahayag.

-Res. Blg. 96-1, S. 1996

Pagsilang at Layunin ng Wikang Filipino

Isang layunin ng pagkakaroon ng isang Wikang Pambansa ang pagpapalaganap ng pagkakaisang pambansa, ang pagkakaroon ng heograpiko at pulitikal na pagkakapatiran, at maging ang pagkakaroon ng isang sumasagisag na Pambansang Wika ng isang bansa. Unang sumibol ang diwa ng pagkakaroon ng isang Wikang Pambansa sa Pilipinas noong balik-tanawin ni Manuel L. Quezon noong 1925 ang isang damdamin ng pagkabigo ng pambansang bayaning si Jose Rizal, nang hindi nito magawa ng huling makipag-ugnayan sa isang kababayang babae habang nasa isang bangka patungong Europa.

“Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”

Kaybilis nga namang lumipas ang mga araw. Agosto na at ito na ang buwan para sa ating sariling wika; ang Wikang Filipino. Ito ay nagagamit para sa komunikasyon ng bawat isa sa ating bansa. Sa bawat sulok ng bansa ay may kaniya-kaniyang diyalekto. Kaya nga may tinawag tayong Wikang Pambansa para kahit saan mang sulok ng Pilipinas tayo nakatira o naipanganak, maiintindihan at maiintindihan natin ang bawat isa sa pamamagitan ng paggamit ng Wikang Filipino. Ang wikang ito ay napakaimportante sa akin at sa mga kapwa ko Pilipino dahil ito ang aming Pambansang Wika. Nararapat lamang itong gamitin at pagyamaning kusa. Katulad na lamang ng sinabi niĀ  Dr. Jose Rizal sa kanyang tula na “Sa Aking Mga Kababata” sa ikatlong taludtod.

“Ang hindi magmahal sa kanyang salita

Mahigit sa hayop at malansang isda

Kaya ang marapat pagyamaning kusa

Na tulad sa inang tunay na nagpala”

Tandaan po natin na ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang isda. Tangkilikin, gamitin, mahalin at pagyamanin po natin ang ating sariling wika dahil ito ang isa sa mga sumisimbolo ng ating pagka-Pilipino.

Sali Na! :D

Inaanyayahan ko lahat ng taga-ISNHS na sumali sa mga gaganaping paligsahan o patimpalak para sa Buwan ng Wika na may temang, “Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino”. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga patimpalak:

Tagisan ng Talino (Agosto 17, 2012; 9:30am-11:00am sa silid-aklatan)

Dagliang Talumpati (Agosto 22,2012; 9:30am-11:00am sa silid-aklatan)

Balagtasan (Agosto 24, 2012; 9:30pm-12:00pm sa silid-aklatan)

Sabayang Pagbigkas (Setyembre, 2012)

Deklamasyon (Setyembre 19, 2012)

Maraming salamat po. :)

Ako’y Nanabik

Nang ika’y makita, mundo ko’y nag-iba

Parang isang tanga na napatulala

Hindi ko mawari aking nadarama

Tibok ng puso ko ay biglang nag-iba.

Hindi na mabura sa aking isipan

Isang estrangherong minsa’y nasilayan

Araw ang lumipas, araw ang nagdaan

Sa puso’t isipan, diwa mo’y naiwan.

Hanggang kailan pa? Hanggang saan kaya?

Ako ay aasa at maghahanap pa

Ako’y nanabik na ika’y makita

Muling masilayan kislap ng ‘yong mata.

-Lijean May Ragunjan

III-Becquerel